Mga katanungan ng
mga papauwing OFWs—Pat Sto. Tomas
Mga katanungan ng
mga papauwing OFWs—Pat Sto. Tomas
Padami ng padami ang mga
katanungan ng ating mga OFWs na dumarating sa pamamagitan ng e-mail.
Katulad ng nasabi ko noon, marami sa mga tanong ay tungkol sa mga specific
concerns subalit kung ating titingnan, ang mga kasagutan dito ay
makakapagbigay sa atin ng mga mahahalagang kaalaman. Katulad halimbawa
nitong mga tanong ng mga papauwing OFWs.
Si Noneiza na nasa Dubai ay nagtatanong kung gaano daw ba katagal ang
magpa-renew ng passport. Siya ay papauwi upang magbakasyon subalit maiksi
lamang ang kanyang vacation leave. Ang kanyang passport ay mag-e-expire na
sa Enero ng susunod ng taon kaya kailangan niya ng ipa-renew ito.
Noneiza, ayon sa Department of Foreign Affairs, ang regular processing
para sa passport renewal ay maaring abutin ng 14 days at ang bayad nito ay
P500. Subalit mayroon din silang arrangement for RUSH renewal na hindi
hihigit sa 7 days ang proseso at ang bayad naman dito ay P750. Kaya ang
maipapayo ko sa iyo ay pumunta ka kaagad sa DFA at lakarin ang iyong
passport renewal sa pamamagitan ng rush arrangement pagdating mo dito sa
Pilipinas.
Si Benjamin na nasa China at nagtuturo sa isang kolehiyo doon ay
nagtatanong kung ano ba ang mga karapatan ng isang umuuwing OFW. Siya daw
ba at ang kanyang asawa ay exempted sa taxes para doon sa mga ilang gamit
na kanilang nabili doon at balak i-uwi dito sa atin. Si Namik naman na
nasa UAE at si Robert Peter sa Jeddah ay more specific sa pagtatanong kung
ang mga OFWs ba ay may pribelehiyo na mag-uwi ng sasakyan dito sa atin.
Walang special privilege
Oo naman, walang pipigil sa inyo na mag-uwi ng mga mahahalagang bagay o
gamit na inyong naipundar habang kayo ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Maliban lamang sa mga bagay na ipinagbabawal ayon sa ating alituntunin at
alituntuning pang-international katulad halimbawa ng mga ipinagbabawal na
droga o mga bagay na may kaugnayan sa terorismo. Kaya nga lang, ang ano
mang bagay o gamit na may halaga na i-uuwi dito sa atin ay maisa-subject
to tax lalo na sa kaso ng mga sasakyan. Ang sasakyan ay siguradong i-a-assess
ng Bureau of Customs at ang halagang inyong ibabayad bilang Customs duties
ay magdedepende sa uri at modelo ng sasakyan.
Hindi naman kailangan ng mga umuuwing OFWs ang mga special privilege dahil
sa tayo naman ay walang pagkakaiba sa iba pa nating mga kababayan na
bumabalik sa ating bansa matapos ang pangi-ngibang bansa, maging sila man
ay turista, mga negosyante, estudyanteng nag-aaral sa ibang bansa o di
kaya ay mga dating mamamayan at ngayon ay mayroon ng dual citizenship.
Lahat tayo ay Pilipino at dapat lang na iisa ang batas at regulasyon na
iiral para sa atin at kasama na rito ang mga alituntunin tungkol sa taxes
at customs duties kung sakaling tayo ay may bitbit na mga mahahalagang
bagay pag tayo ay pauwi na sa ating bansa. Kaya nga lagi kong pinapayo
doon sa mga nakaka-usap ko na dito na nating bilhin ang mga bagay na nais
nating ibigay sa ating mga mahal sa buhay kung ang mga ito naman ay
mabibili dito sa atin. Maliban sa mapapalago pa natin kahit kaunti ang pag
nenegosyo dito sa atin, tayo rin ay malilibre pa sa pag-iintindi ng ating
mga bagahe at sa hirap ng pagbitbit lalo na kung ang mga ito ay hand
carried items.
Accident o death benefit
Si Robert Peter ay meron pang ilang katanungan. Nais niyang malaman kung
ang isang OFW ba ay entitled sa accident or death benefit sakaling may
mangyari sa OFW sa loob ng panahong umiiral ang kanyang work contract.
Magkano daw ba itong mga benefits at paano makukuha? Nais din niyang
malaman kung paano mag-avail ng loan assistance ang isang OFW at kung
gaano ito katagal bago ma-release.
Ayon sa OWWA, ang OFW ay covered ng life insurance sa loob ng panahon ng
kanyang pagtatrabaho na nakasaad sa kanyang employment contract. Ito ay
nangangahulugan na ang OFW o ang kanyang beneficiaries ay may benepisyong
makukuha na nagkakahalaga ng :
P100,000 for natural death;
P200,000 for accidental death;
P 20,000 for burial benefits
P 2,000 to P50,000 for
disability/dismemberment benefits; or
P100,000 for total permanent
disability.
Meron lamang mga documentary requirements
sa dapat isumite ang isang OFW o ang kanyang beneficiary pag nag-file ng
claim sa OWWA.
Doon naman sa loan assistance, kailangan meron kayong livelihood project
kung saan ito ay maaring gamitin katulad halimbawa ng pagtayo o pag-umpisa
ng isang restaurant business, repair shop, meat/fruit processing, piggery
o ano mang negosyo na nais ninyong pasukan. Ang loan proceeds ay gagamitin
bilang working capital o pambili ng mga ibebentang mga bagay, pambili ng
makina o gamit na kailangan sa pagnenegosyo o di kaya ay pampapatayo o
pagpapa-ayos ng gusali kung saan itatayo ang negosyo.
Meron ding mga documentary requirements na dapat isumite ang OFW o ang
kanyang pamilya na nais mag-avail ng programang ito. Ang pag-release ng
loan ay depende sa kakayahan ng OFW na ma-isumite ng buo ang mga loan
requirements.
Marahil Robert Peter makakabuti kung iyong mapapa-punta sa OWWA ang iyong
asawa o ang sino mang miyembro ng iyong pamilya upang makapag-inquire ng
personal sa mga detalye o di kaya ay mapaliwanagan ng husto tungkol sa
programang ito. Kung may panahon ka, maari mong ring bisitahin ang website
ng OWWA sa http://www.owwa.gov.ph para sa mas detalyeng informasyon sa
kanilang mga programa para sa mga OFWs.
Ang kontrata ay kontrata
At si Daud na nasa South Korea ay nagpapaabot ng kanyang concern sa
maaring gawin sa kanya ng kanyang recruitment agent pag siya ay
magdesisyong huwag ng ipa-extend pa ang kanyang work contract. Ayon kay
Daud mahilig daw mag-penalize ang kanyang recruitment agent pag di nasunod
ang kanyang kagustuhan, katulad ng pagpa-extend ng work contract kung ito
ay naisin ng employer.
Wala siyang problema sa trabaho o sa kanyang employer subalit dahil sa
kalungkutan at sa kanyang kagustuhang makapiling na muli ang kanyang mga
anak ay ayaw na niyang magpa-extend pa ng kanyang kontrata.
Alam mo Daud, ang kontrata ay kontrata. Pag nakasaad sa kontrata na tapos
na ang inyong work contract sa katapusan ng Hulyo, ito ay tapos na. Kahit
naisin pa ng iyong employer o agent na i-extend ang kontrata mo ay wala na
silang magagagawa pa kung ayaw mo na. Ang mahalaga ay wala kang nilabag sa
inyong kasunduan. Kung sakali naman na mangyari nga ang sinasabi mo at
gumawa ang recruitment agent mo ng mga bagay na disadvantageous sa iyo,
puede mo siyang sampahan na kaso sa POEA at ito ay puedeng maging dahilan
ng pagkasuspende o pagkansela ng kanyang lisensya bilang recruitment
agency.
Ang e-mail address ni Pat Sto. Tomas ay stotomaspat@gmail.com.